Sikat na social media vlogger at influencer, inilagay na sa watchlist order na kaugnay sa pagkakasangkot sa iligal na pagbebenta ng mga produkto online

73

Nagpalabas ng watchlist order Bureau of Immigration (BI) laban sa isang sikat na vlogger at social media influencer matapos siyang ireklamo dahil sa paglabag sa immigration laws ng bansa.

Sa kautusan na pirmado ni BI Deputy Commissioner Tobias Javier, ipinasasama nito ang pangalan ni Wang Yun-i, alyas “Penelope Pop” sa watchlist.


Nahaharap ang dayuhan sa deportation charge na inihain ni Special Prosecutor Emmanuel Anthony Vera.

Sa isang pahinang charge sheet, inirereklamo si Wang dahil sa pagbebenta ng mga produkto sa bansa gayong wala itong kaukulang permit.

Si Wang ay sinasabing sangkot sa online retail trade ng lifestyle products sa kanyang kumpanya na theeverydayph ng walang alien employment permit.

Una rito, dumulog sa BI ang grupong Action for Consumerism and Transparency para hilingin na maipadeport si Wang dahil sa pagbebenta ng mga produkto na hindi rehistrado sa Food and Drug Administration (FDA).




Sa liham kay Attorney Ronaldo Ledesma, Chairman ng Board of Special Inquiry ng Bureau of Immigration, iginiit din nila na bawal magtrabaho si Wang bilang endorser at bawal rin itong magbenta ng retail products, tulad ng cosmetics dahil Special Investors Residence Visa lamang ang kanyang hawak.

Una rito, nagbabala ang FDA sa publiko laban sa “POUF! Everyday Cologne Spray” na pag-aari ni Wang dahil hindi ito dumaan sa kanilang pagsusuri at hindi nila magagarantiyahan na ligtas itong gamitin ng publiko.

Ayon sa FDA, ang kumpanya ni Wang at aktres na si Toni Gonzaga ay isang registered company pero para lamang sa pagbebenta ng bags, notebooks, at toiletries.

Facebook Comments