
Nanawagan ang Industriya ng Agrikultura (SINAG) kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na paimbestigahan sa Department of Energy (DOE) ang ilang gasoline stations na tumatangging bentahan ng diesel at gasolina ang mga magsasaka at mangingisda na nagpapasalin sa mga sariling container.
Ayon kay SINAG Chairman Rosendo So, hindi ito katanggap-tanggap dahil umaasa ang mga magsasaka at mangingisda sa suplay ng diesel para sa produksyon ng pagkain.
Aniya, sa mga probinsya o malalayong komunidad, bumibili ang mga magsasaka at mga mangingisda ng diesel sa pamamagitan ng pagsasalin sa dala nilang mga container.
Aniya, dapat bigyan ng kaunting pang-unawa ang mga magsasaka at mga mangingisda dahil hindi naman nila madadala sa mga gasoline station ang mga traktora at mga bangkang de motor.
Ani So, kapag nagpatuloy na di maka-access ng fuel ang naturang mga sektor, maaring makaapekto ito sa agricultural operations, lalo pa at magsisimula na ang panahon ng pagtatanim.










