
Simula sa unang araw ng Abril , mas mahigpit na patakaran ang ipatutupad ng Singapore Airlines sa mga paseherong sasakay na may dalang powerbank.
Bukod sa hindi na ito pinahihintulutan sa checked-in baggage, hanggang 100 watt-hours na kapasidad ng powerbank lamang ang pinapayagan ng singapore airlines at ang lalagpas sa kapasidad na ito ay mangangailangan na ng kaukulang permit mula sa airlines at maari lang ito dalhin sa hand-carry baggage.
Hindi na rin papayagang mag-charge ng mga portable power bank sa pamamagitan ng mga onboard na USB port, o gumamit ng mga power bank para i-charge ang kanilang mga personal na device habang bumabiyahe ang eroplano.
Sinusunod lang ng Singapore Airlines ang mga regulasyong ipinatutupad ng International Air Transport Association (IATA) tungkol sa pagdadala ng mga powerbank at lithium batteries.
Nauna nang nagpatupad ng paghihipit sa powerbank ang Korean Airlines simula noong unang araw ng Marso.
Ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ay nagpapaalala sa mga pasahero na hanggang 100 watt-hours lamang na kapasidad ng powerbank ang papayagang dalhin sa loob ng eroplano at patuloy ang CAAP sa pakikipag-ugnayan sa mga airline companies upang bumuo ng mga alituntunin sa tamang pagdadala ng mga pasahero ng mga powerbank at iba pang device.