
Iminungkahi ni Senator Chiz Escudero na gamitin sa ayuda ang sobrang koleksyon sa value-added tax (VAT) para sa mga sektor na lubhang apektado ng pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo.
Giit ni Escudero, hindi naman planado o pinaghirapan ang “windfall” sa VAT at tumaas lamang ang koleksyon dito dahil tumaas ang presyo ng langis.
Para sa senador, mas tama na ibalik sa mga pinakaapektadong sektor ang sobrang koleksyon sa VAT bilang tulong at huwag itong itratong dagdag na kita ng pamahalaan.
Hindi rin aniya dapat mag-astang negosyante ang pamahalaan at hindi dapat masangkot sa profiteering o kumita dahil sa mataas na presyo.
Giit pa ni Escudero, kung hindi naman balak tanggalin ang VAT ay ibalik na lamang sa taumbayan ang dagdag na kita bilang ayuda para makatulong sa gitna ng nararanasang krisis sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Naunang inihayag ni Finance Undersecretary Karlo Fermin Adriano na maaaring makalikom ang gobyerno ng dagdag na P13 hanggang P14 billion na koleksyon mula sa VAT kahit pa suspendido ang excise tax sa LPG at kerosene.










