
Alas 9:30 ngayong umaga nakatakda ang ikalawang pagdinig ng House Tri-Committee ukol sa paglaganap ng fake news at disinformation lalo na sa social media.
Kasamang tatalakayin ang mga show cause orders na inisyu ng Tri-Committee sa 38 na mga social media personalities at vloggers na nabigong dumalo o sadyang hindi dumalo sa unang hearing nito noong February 4.
Babala ni Tri-Committee Overall Chairman at Laguna Representative Dan Fernandez, posibleng padalhan ng subpoena o i-contempt ng Tri-Committee ang mga digital influencers na hindi susunod sa show cause orders.
Binigyang-diin ni Fernandez na hindi nila hangad na hadlangan ang kalayaan sa pamamahayag pero malaki ang kaibahan nito sa pagpapakalat ng fake news upang linlangin ang publiko at siraan ang mga institusyon.
Para naman mas mapalawak ang imbestigasyon ay binanggit ni Fernandez na kasama ding inimbitahan sa pagdinig ang mga opisyal o kinatawan ng mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno, mga pangunahing social media platforms, mga legal experts at media organizations.