
Umaasa si Tito Sotto na hindi magkakaroon ng “spillover” o madamay ang Pilipinas sa digmaan sa pagitan ng United States, Israel, at Iran.
Nang matanong si Sotto kung may posibilidad na umabot sa bansa ang tensyon dahil sa pagiging kaalyado ng United States, sinabi niyang umaasa siyang hindi madadamay ang Pilipinas dahil wala namang masamang tinapay o hindi magandang ugnayan ang bansa sa Iran.
Sa kabila ng pagiging kaalyado at pagkakaroon ng kasunduan sa United States, tiniyak ni Sotto na kahit bago pa ang tensyon sa Gitnang Silangan ay patuloy ang pagre-review ng mga agreements at treaties na pinasok ng bansa kasama ang naturang kaalyado.
Hinimok ni Sotto ang Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Migrant Workers (DMW), at ang pamahalaan na panatilihin ang close monitoring sa mga bansa sa Middle East na may malaking populasyon ng mga Pilipino.
Mahalaga rin aniya na maging vigilant ang bansa sa mga nangyayari sa Gitnang Silangan dahil bukod sa posibleng pagtaas ng presyo ng krudo ay maaari ring maapektuhan ang seguridad ng bansa.










