SP Chiz Escudero, handang tumalima sa Korte Suprema sakaling may magreklamo sa remand o pagbabalik ng articles of impeachment sa Kamara

Handa si Senate President Chiz Escudero na tumalima sa desisyon ng Korte Suprema sakaling may kumwestyon sa utos ng impeachment court na pag-remand o pagbabalik ng articles of impeachment sa Kamara.

Kaugnay na rin ito sa pag-alma ni Senator Risa Hontiveros na wala sa impeachment rules ang salitang remand o return kaya labag ang ibinabang utos ng impeachment court.

Ayon kay Escudero, walang precedent o susundan na pangyayari ang pagbalik sa verified impeachment complaint sa Kamara dahil pang-apat na impeachment case pa lamang ito na nakarating sa Senado.

Paalala ng senador kay Hontiveros na ang impeachment court ay “sui generis” o walang katulad sa pagsasagawa ng impeachment proceedings.

Tinukoy pa ni Escudero ang naging pahayag ni dating former Supreme Court Associate Justice Adolfo Azcuna na makabago man o kakaiba man ay hindi ito iligal o iligal dahil kapangyarihan ng Senado na dinggin at desisyunan ang lahat ng mga impeachment cases.

Gayunman, karapatan ni Hontiveros kung kwestyunin ito sa Supreme Court at handa siyang tumalima sa magiging desisyon ng korte kung kakitaan man ito ng paglabag.

Matatandaang maging si dating Solicitor General Florin Hilbay ay inilarawan ang hakbang na remand ng impeachment court na consistent o tumutugon sa political character ng impeachment proceedings.

Ayon kay Hilbay, bago man ang hakbang na ito ay akma ito sa nature ng proseso ng impeachment at lahat ng remedyo ay political at nasa kamay lang din ng bumubuo ng impeachment court.

Facebook Comments