Speaker Alan Peter Cayetano at Deputy Speaker Paolo Duterte, nagusap

121

Nakapagusap na sina Speaker Alan Peter Cayetano at Deputy Speaker Paolo Duterte kaugnay sa mga nagsulputang isyu sa pagitan ng mga kongresista at term-sharing sa Speakership post.

Matatandaang nitong Linggo ay nagpadala ang batang Duterte ng mensahe sa mga kongresista kaugnay sa umano’y bantang kudeta sa posisyon ng Speaker at Deputy Speakers dahil sa pagkaladkad sa kaniyang pangalan sa isyu ng hindi pantay na alokasyon sa infrastructure projects sa mga distrito.

Ayon kay Deputy Speaker LRay Villafuerte, nakapagusap na ng masinsinan sina Cayetano at Polong kung saan nailatag na ang lahat ng concerns ng magkabilang panig at naayos na ang gusot.

Kasabay nito ay hinikayat ni Villafuerte ang mga kasamahang kongresista na isantabi na muna ang usaping pulitikal at pagtuunan na lamang ng pansin ang publiko at ang mahahalagang trabaho sa Kamara.

Umapela ang kongresista na hayaan munang maipasa ang pambansang pondo sa susunod na taon upang hindi maapektuhan ang ekonomiya ng bansa sa gitna ng pandemic.

Nababahala ito na matulad ang sitwasyon noong 2018 matapos na maupong Speaker si dating Pampanga Rep. Gloria Arroyo kapalit ni dating Speaker Pantaleon Alvarez kung saan hindi agad naaprubahan ang 2019 national budget at napilitan ang Kongreso na gamitin ang reenacted budget sa unang bahagi ng taon.

Facebook Comments