Speaker Alan Peter Cayetano, hinimok ang publiko na magkaisa laban sa iisang kalaban, ang COVID-19

Hinikayat ni House Speaker Alan Peter Cayetano ang lahat ng mga Pilipino sa buong bansa na magkaisa muna sa pagkakataong ito para labanan ang COVID-19.

Ayon kay Cayetano, sumasang-ayon ang liderato at mga miyembro ng Kamara kay Pangulong Rodrigo Duterte na ang tunay na kalaban ay ang COVID-19 at hindi ang gobyerno.

Sinabi ni Cayetano na batid naman nila na marami pang dapat na gawin ang pamahalaan upang makalagpas sa pagsubok ng pandemya.


Tinawag ng Speaker na isang “great disservice” sa bansa ang ginagawa ng mga nag-uudyok ng pagkakawatak-watak sa panahon na ito dahil inililihis ang lahat sa tunay na laban.

Wala aniyang monopolya ng mga magagandang ideya at solusyon at sinumang nagpapanggap ng ganito ay kung hindi sinungaling ay isang mangmang.

Kung gusto aniya talaga na labanan ang virus ay dapat maging bukas ang isipan ng lahat at alisin ang pagiging partisan.

Tiniyak naman ni Cayetano na agad nilang aaprubahan ang Bayanihan to Recover as One Act at ikukunsidera ang lahat ng hakbang na sinabi ng Pangulo para sa pagbangon ng bansa.

Facebook Comments