Stalker ni Bela Padilla, nagpumilit na pumasok sa kanyang bahay

Sinampahan na ng aktres na si Bela Padilla sa Mandaluyong City Fiscal’s Office ng kasong unjust vexation ang kanyang stalker fan, isang 33-anyos na lalaki na taga-Parañaque City.

Kasunod na rin ito ng insidente noong Huwebes ng gabi kung saan nagpumilit na pumasok sa tini-tirahang condo ni Bela ang hindi pinangalanang lalaki at gustong makausap ang aktres.

Nabatid na sinundan ng stalker si Bela hanggang sa kanyang bahay kung saan nagpakilala itong kaklase ng aktres at bibisita lang sa mga guard ng condominium.


Dahil sa takot, hindi bumaba si Bela at sinabihan nito ang mga guard sa kanyang condo na tumawag ng barangay at kuhanan ng picture at I.D. ang lalaki.

Maging ang mga kapitbahay ni Bela ay nag-alala rin sa kanyang kaligtasan kaya sila ang humarap sa lalaki upang paalisin habang nag-stay muna ang aktres sa kanyang kapitbahay dahil mag-isa lang ito sa kanyang condo.

Pagkatapos ng insidente ay tumawag ang hairstylist ni Bela sa kanya upang sabihing may nag-message sa kanyang lalaki at sinabing gusto niyang makita ang aktres at mahal na mahal daw niya ito.

Ang lalaking tinutukoy ng hairstylist ni Bela ay nag-match sa I.D. ng lalaking gustong pumasok sa kanyang unit.

Facebook Comments