Star Troopers, Nakaalerto sa Pag Atake ng NPA Ngayong may Krisis!

Cauayan City, Isabela- Handa ang pamunuan ng 5th Infantry ‘Star’ Division sa anumang binabalak ng New People’s Army ngayong may nararanasang krisis sa mundo.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay MGen. Pablo Lorenzo, Commanding General ng 5ID, PA, inalerto pa rin nito ang lahat ng kanyang nasasakupang yunit na maging mapagmatyag at paghandaan ang mga posibleng gawin ng mga rebeldeng grupo.

Aniya, bagamat umiiral ang Enhanced Community Quarantine ay tumataas naman ang propaganda ng mga NPA gamit ang social media dahil hirap ang mga ito na makalabas at makapunta sa mga target na lugar.


Gayunman, patuloy pa rin ang security operations ng tropa ng pamahalaan sa mga lugar na may presensya ng makakaliwang grupo.

Matatandaang nagdeklara ang Pangulong Rodrigo Duterte ng Unilateral Ceasefire sa CPP-NPA noong Marso 19, 2020 hanggang April 15, 2020 subalit hindi sumunod ang teroristang grupo.

Bagamat nagdeklara rin ng Unilateral Ceasefire ang CPP-NPA dahil sa panawagan ng United Nations sa COVID-19 pandemic ay hindi rin nila ito napanindigan dahil nakagawa pa rin ang mga ito ng krimen, pagpatay at karahasan sa iba’t-ibang panig ng bansa.

Facebook Comments