State necrological service para kay Nora Aunor, natapos na; labi ng national artist, ihahatid na sa Libingan ng mga Bayani

Natapos na ang isinagawang state necrological service para sa National Artist for Film and Broadcast Arts at Superstar na si Nora Aunor o mas kilala bilang ‘Ate Guy’ sa Metropolitan Theater o MET Theater sa Erminta, Maynila.

Inabangan ito ng ilang mga taga-hanga ng National Artist mula sa harap ng MET Theater sa kabila ng init ng panahon.

Sa isinagawang pagpupugay sa yumaong National Artist, naglagay ng bulaklak ang ilan sa mga Pambansang Alagad ng Sining kabilang na sina Ryan Cayabyab para sa Musika, Ricky Lee para sa Pelikula at Broadcast Arts, Alice Reyes para sa sayaw, at Ramon P. Santos para sa Musika.

Nagbigay rin ng mensahe si Ricky Lee na isa sa mga sumulat sa ginawang pelikula ni Ate Guy at inaalala ang mga oras na nagkatrabaho ang dalawa.

Bukod sa mga National Artist, dumalo rin sa nasabing tribute sila Charo Santos-Agoncillo, Joel Lamangan, mga singer na sila Angeline Quinto at Jed Madela na naghandog naman ng munting awitin.

Sa ngayon ay ihahatid na sa huling hantungan ang labi ni Ate Guy sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig City ngayong tanghali.

Facebook Comments