Studyanteng Sinumpong ng Epilepsy sa Daan, Sinagasaan!

*Reina Mercedes, Isabela- *Nabali ang kaliwang bahagi ng kamay ng isang grade 11 na studyante matapos sumpungin ng epilepsy at masagasaan ng motorsiklo pasado alas sais kaninang umaga, Agosto 13, 2018 sa kahabaan ng brgy. Tallungan, Reina Mercedes, Isabela.

Kinilala ang biktima na si Mark Payuyo, bente anyos, binata, grade 11 student at residente ng Brgy. Bliss Tallungan, Reina Mercedes, Isabela habang ang suspek at nagmaneho ng itim na motorsiklo ay kinilalang si Danilo Basada, kwarenta anyos, isang manggagawa at taga Brgy. Villador, Reina Mercedes.

Sa nakuhang impormasyon ng RMN Cauayan, base sa inisyal na imbestigasyon ng PNP Reina Mercedes, naglalakad umano ang biktima sa kanang bahagi ng daan kasama ang kanyang kaklase na si John Adrian Garcia nang bigla umano itong sumpungin ng kanyang sakit na epilepsy at natumba sa daan.


Hindi umano agad nakontrol ng suspek ang kanyang motorsiklo kaya’t nabangga nito ang nakahandusay na katawan ng biktima.

Dahil sa pagkabangga ng biktima ay nagtamo ito ng bali sa kanyang kaliwang kamay at gasgas sa kanyang katawan na agad namang isinugod sa pinakamalapit na pagamutan.

Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng PNP Reina Mercedes si Basada habang patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng kapulisan hinggil sa naturang pangyayari.

Facebook Comments