Apat na indibidwal ang magkakahiwalay na naaresto sa isinagawang warrant operations ng mga pulis sa Manaoag at Malasiqui, Pangasinan noong Martes ng gabi, Mayo 19.
Sa Manaoag, unang nadakip bandang alas-5:30 ng hapon ang isang 62-anyos na negosyante matapos arestuhin ng Manaoag Municipal Police Station.
Ayon sa kapulisan, huli ito sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong Perjury sa ilalim ng Article 183 ng Revised Penal Code na inamyendahan ng RA 11594 na tumutukoy sa pagsisinungaling o pagbibigay ng maling pahayag sa ilalim ng panunumpa sa isang legal o opisyal na dokumento.
Kaugnay nito, nay inirekomendang piyansang ₱48,000 para sa suspek.
Makalipas ang gabi, isa pang 75-anyos na residente ng Manaoag ang naaresto rin dahil sa kaparehong kasong na may kaparehong inirekomendang piyansa na ₱48,000.
Samantala, dalawa ring construction worker ang naaresto sa Malasiqui kaugnay ng kasong Unjust Vexation.
Bandang alas-7:50 ng gabi nadakip ang isang 36-anyos na residente ng Mangatarem sa bisa ng warrant of arrest para sa apat na bilang ng kaso sa ilalim ng Article 287 ng Revised Penal Code na tumutukoy sa pangha-harass sa ibang tao kung saan umaabot sa ₱2,000 ang inirekomendang piyansa sa bawat kaso.
Kasunod nito, naaresto rin ang isang 31-anyos na construction worker mula sa Basista na nahaharap din sa apat na bilang ng kasong Unjust Vexation na may kaparehong halaga ng piyansa bawat kaso.
Ayon sa mga awtoridad, kasalukuyang nasa kustodiya ng Manaoag at Malasiqui Municipal Police Stations ang mga naarestong indibidwal habang isinasagawa ang kaukulang proseso. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










