Tiniyak ng pamunuan ng Central Pangasinan Electric Corporation (CENPELCO) na stable pa rin sa kasalukuyan ang suplay ng kuryente sa Central Pangasinan sa kabila ng nararanasan na pagtaas sa demand ngayong tag-init.
Ayon sa pamunuan ng Member Systems Management Department, may kinontratang power supplier ang tanggapan na siyang nagsusuplay sa lahat ng nasasakupan.
Inilahad din na may natatanggap ng yellow alert ang tanggapan ngunit hindi umano dahil sa manipis ang suplay ng kuryente kundi dahil sa mga planta na pumapalya at inaagapan tuwing may unscheduled power interruption.
Sa ilalim ng yellow alert, bahagyang nagkukulang ang power supply ngunit kakayanin pang magsuplay at may posibilidad ng power interruption.
Iginiit naman ng tanggapan na nakadepende pa rin sa magiging demand at konsumo sa kuryente kung posibleng magkulang ang suplay at makaranas ng rotational brownouts tulad noong nakaraang taon.
Matatandaan na naglabas ng kauna-unahang yellow alert warning sa Luzon Grid noong March 5 ang National Grid Corporation of the Philippines matapos umanong isailalim sa forced outage ang walong planta noon pang Pebrero.
Kaugnay nito, Kinansela ng tanggapan ang labing dalawang oras na power interruption bukas. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨