Suporta ng mayorya kay Speaker Alan Peter Cayetano, humihina na ayon sa isang mambabatas

596

Unti-unti na umanong nawawala ang kapit at impluwensya ni Speaker Alan Peter Cayetano sa mga kongresista kasunod ng pagtanggal kay 1PACMAN Partylist Representative Mikee Romero bilang Deputy Speaker.

Ayon kay Buhay Party-list Representative Lito Atienza, dahil sa patuloy na pagsuway ni Cayetano sa term-sharing agreement ay inilalagay lamang nito ang kanyang sarili sa alanganing sitwasyon matapos na gawin ang malisyosong loyalty check na naging daan sa pagsibak kay Romero sa House leadership.

Malinaw aniya na ang aksyon ni Cayetano ay pagsalungat kay Pangulong Rodrigo Duterte dahil ito ang namagitan at nag-ayos sa term-sharing agreement sa pagitan ni Marinduque Representative Lord Allan Velasco.

Binigyang diin ng kongresista na malaki ang nawalang suporta kay Cayetano dahil ang tinanggal na si Romero ay Presidente naman ng Partylist Coalition sa Mababang Kapulungan na binubuo ng 54 na miyembro.

Nakatitiyak naman si Atienza na susuportahan ng political party ng Pangulo na PDP-Laban na may 65 myembro sa Kamara si Velasco gayundin ang National People’s Coalition (NPC) na may 35 house members.

Naniniwala pa ang mambabatas na kung ipipilit ng Taguig Congressman ang kanyang gusto ay posibleng malagay ito sa minorya sa huli dahil bukod sa Nacionalista Party kung saan kasapi si Cayetano ay tanging matibay na suporta na lamang nito ang 43-member na National Unity Party (NUP) na pinamumunuan ni Cavite Rep. Elpidio Barzaga.

Facebook Comments