Suspek sa pagnanakaw sa loob ng isang exhibit sa isang mall sa Guadalupe, Makati, nasagip at naaresto ng mga otoridad

293

Nasagip at naaresto ng mga tauhan ng Makati Bureau of Fire Protection (BFP), Makati Police at Guadalupe Fire Marcial ang isang lalaki matapos mahuling nagnanakaw sa loob ng isang mall sa bahagi ng Guadalupe, Nuevo, Makati City.

Kinilala ang suspek na si John Lloyd de Guzman, 26-anyos na residente ng Orchid Street Blk. 3 Barangay Pinagsama, Taguig City.


Ayon sa security personnel ng Guadalupe Commercial Complex o GCC Mall na si Redentor Irorita, bandang alas-10:00 ng gabi nang mahuli ng mga sekyu ang suspek na nagnanakaw sa isang exhibit sa loob mismo ng naturang mall.

Dito na nahuli ang suspek at agad na pinosasan pero agad itong nanlaban sa mga otoridad at nakatakas.

Makalipas ang ilang oras, nakita ang suspek sa labas mismo ng bintana sa ikatlong palapag ng nabanggit na mall na nakahiga at nagtatago.

Sa eksklusibong kuha ng DZXL RMN Manila, makikita sa video na humingi pa ng tubig sa mga otoridad ang suspek bago ito tuluyang sumuko.




Dagdag pa ni Irorita, matagal nang minamanmanan ang suspek matapos ang tatlong beses na pagnanakaw ng ilang mga salarin sa naturang mall.

Sa ngayon, dinala na sa Makati City Police Station ang suspek at nahaharap sa kasong qualified theft bago dalhin at isailalim sa imbestigasyon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).

Facebook Comments