
Nilinaw ng National Bureau of Investigation (NBI) na hindi opisyal na empleyado ng ahensya ang lalaking inaresto matapos ang pamamaril sa Senado noong Miyerkules ng gabi.
Sa Malacañang press briefing, sinabi ni NBI Director Melvin Matibag na si Mel Oragon, na unang iniulat na driver umano ng NBI, ay isa lamang “volunteer” o force multiplier na sumama bilang driver sa grupo ng NBI agents na na-deploy sa GSIS Compound.
Nasa lugar umano ang mga NBI agents matapos makatanggap ng request ang NBI mula kay GSIS President at General Manager Wick Veloso para tumulong sa pag-secure ng lugar at pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan.
Sinabi rin ni Matibag na normal lamang na armado ang mga rumespondeng NBI agents dahil bahagi ito ng kanilang standard operational gear sa tuwing may security deployment.
Dagdag pa ng opisyal, gumagamit din ang NBI ng mga volunteers at tinatawag na “assets” o alpha para tumulong sa operasyon at pagkalap ng intelligence reports dahil sa kakulangan ng tauhan.
Paliwanag pa ni Matibag na ang baril na hawak ni Oragon ay “ipinahawak” lamang umano sa kanya bago ang insidente at wala itong direktang access sa naturang armas bago mangyari ang pamamaril.










