Suspek sa tangkang pangingidnap sa dalawang bata sa Caloocan, may mental problem at inabandona ng pamilya —Mayor Malapitan

May problema sa pag-iisip at inabandona kanyang pamilya ang 49-anyos na pedicab driver na nagtangkang mangidnap ng dalawang bata sa harap ng isang elementary school sa Caloocan City.

Ito ang ipinahayag ni Caloocan City Mayor Dale Gonzalo Malapitan sa isang statement as kaniyang FB page.

Ayon pa sa alkalde, ang nangyaring insidente ay isang isolated case at ang suspek ay residente ng San Andres, Manila.

Batay sa inisyal na imbestigasyon,napag-alamang ilang araw na itong hindi kumakain at nito lamang Disyembre ay nakulong dahil sa droga.

Kasalukuyan nasa kustodiya ng Caloocan city Police ang suspek at sasampahan ng kasong attempted kidnapping.

Sa report ng Northern Police District (NPD) unang kinuha ng suspek ang 10-anyos na batang lalaki pero nanlaban ito at nakatakas.

Tinangka naman ng suspek na kunin ang siyam na taong gulang na batang babae, ngunit nakita ng isang tanod ng Barangay 35 kaya agad na sumaklolo.

Inatasan na ni Mayor Malapitan ang binuong Aksyon at Malasakit Task Force upang paigtingin ang pagbabantay sa mga paaralan lalo na tuwing oras na papasok at lalabas ang mga mag-aaral.

Facebook Comments