TALIPAPA SA BRGY. MARABULIG 1, NAKATAKDANG AYUSIN

Cauayan City – Isa sa planong ayusin ng pamunuan ng Brgy. Marabulig 1 ang mga talipapa stalls sa harap ng kanilang Community Center.

Sa naging panayam ng iFM News Team kay Ginoong Orlando Villa, kagawad ng nabanggit na barangay, napag-usapan sa kanilang session ang planong pagsasaayos ng talipapa stalls dahil marami umano ang nagsasabi na pangit itong tingnan.

Aniya, oras na dumating ang budget ngayong taong 2025, isa sa kanilang uunahin ay ang konstruksyon ng mga stalls kung saan gagawing mas uniporme ang itsura ng bawat talipapa upang mas kaaya-ayang tingnan sa mata ng publiko maging sa mga mamimili.

Posible naman umanong itaon sa bakasyon ng mga mag-aaral ang pagsasaayos ng mga tindahan upang hindi naman maapektuhan ang negosyo ng mga vendors.

Ayon sa kagawad, tiyak na makatutulong ang proyektong ito sa mga stall owners dahil maliban sa mas magiging maganda at komportable sila sa kani-kanilang pwesto, masusulit rin nila ang rentang ibinabayad sa lugar.

Facebook Comments