Namahagi ng mga color-coded trash bins ang Lokal na Pamahalaan ng Mangaldan sa pamamagitan ng Municipal Cooperatives Office, sa ilalim ng programang “Project BINahagi,” katuwang ang mga lokal na kooperatiba at pribadong donor.
May apat na kulay ang mga ipinamamahaging basurahan: pula para sa hazardous o special waste, berde para sa biodegradable, asul para sa recyclable, at itim para sa residual waste.
Layunin ng proyekto na mahubog sa mga kabataan ang disiplina, responsibilidad, kalinisan, at pangangalaga sa kapaligiran, partikular sa tamang paghihiwalay ng mga basura.
Kabilang sa mga benepisyaryo ang Mangaldan National High School, Salaan Elementary School, David National High School, at LGU Mangaldan.
Nagpasalamat naman si Mayor Bona Fe De Vera Parayno sa mga donor at katuwang na nakiisa sa programa.
Sa pamamagitan ng Project BINahagi, inaasahang mas mapapalakas ang kamalayan at pakikilahok ng komunidad sa pagpapanatiling malinis at maayos ang bayan ng Mangaldan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










