Tangkang pag-atake ng BIFF sa Shariff Aguak, Maguindanao kagabi, napigilan ng tropa ng militar!

624

Muli na namang napigilan ng militar ang tangkang pag-atake ng mga teroristang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) kagabi sa bayan ng Shariff Aguak, Maguindanao.

Ayon kay 6th Id Spokesperson Lt. Col. Anhouvic Atilano, target ng teroristang grupo ang patrol base ng 1st Mechanized Battalion ng Philippine Army sa barangay Labo-labo, Shariff Aguak.

Pero dahil sa intelligence report na nakuha ng militar hinggil sa planong pagsalakay ng BIFF, agad na sinalubong ng isang kompaniya mula sa 11th Mechanized Company gamit ang dalawang V-150 armored carriers at dalawang Simba tanks, dahilan para umatras ang mga kalaban.


Dahil dito, naniniwala ang militar na wala ng kakayahang maglunsad ng malawakang pag-atake ang mga terorista sa Central Mindanao.

Mas pinalakas rin ng Philippine Army 6th Infantry Division ang kanilang military presense and interdiction laban sa BIFF, Dawlah Islamiyah at foreign terrorists para mapigilan ang planong pag-atake.

Sa ngayon ay walang na-monitor ang militar na may mga banyagang terorista ang kasa-kasama ng BIFF at Dawlah Islamiya nang salakayin nito ang Datu Piang at maging ang tangkang pag-atake kagabi sa Shariff Aguak sa Maguindanao.



Facebook Comments