TANGKANG PAGDUKOT SA DALAWANG MENOR DE EDAD SA ILAGAN, PINABULAANAN NG PNP

CAUAYAN CITY- Nabalot sa takot ang dalawang menor de edad matapos umanong muntik na madukot ng isang lalaking nakasakay sa isang van sa Brgy. Cabisera 19, Ilagan City, Isabela.

Sa exclusive interview ng IFM News Team sa dalawang biktima na pawang nasa edad 13 at 15, pauwi na ng mga ito sa kanilang mga tahanan galing sa lamay kung saan biglang tumigil sa kanilang likuran ang isang van at bumaba ang isang lalaking mataba at nakasuot ng bonnet.

Ang nasabing lalaki ay may hawak umano na patalim kung kaya’t natakot ang dalawa at tumakbo papalayo at sinubukan pa silang habulin nito.


Mabuti na lamang at mayroong dumaan na traysikel kung kaya’t agad na umalis rin ang lalaki lulan ang van.

Ayon naman kay Irene Corpuz, isa sa mga ina ng biktima, halos hindi ito makagalaw nang mabalitaan ang nangyari sa kanyang anak lalo na at ito ang kauna-unahang pagkakataon na nangyari ito sa kanilang lugar.

Samantala, sa panayam ng IFM News Team kay Chief Investigation Police Major Junneil Perez, mariin nitong pinabulaanan ang umano’y pagtangkang pagdukot sa dalawang menor de edad dahil base sa kanilang isinagawang imbestigasyon, nagkaroon ng overreaction sa mga biktima ng makita ang bumabang lalaki mula sa van at inakalang dudukutin ang mga ito dahilan upang magpanic at tumakbo ang mga ito.

Aniya, bagama’t walang nangyaring pandurukot ay hindi binabalewala ng Ilagan City Component Police Station ang ganitong pangyayari kung saan mas lalong papaigtingin ang ipapatupad na seguridad lalung-lalo na sa mga liblib na lugar sa Lungsod ng Ilagan.

Facebook Comments