Tatlo, sugatan sa salpukan ng sasakyan sa Pasay City

Manila, Philippines – Sugatan ang tatlo katao matapos magsalpukan ang dalawang kotse sa MIA Rd. Pasay City.

Nakilala ang mga biktima na sina Sonny Pascual, Vener Torres at Vincent Abella, pawang nakatira sa Cubao, QC.

Nasa custody naman ng Airport Police ang hindi pa nakikilalang suspek na siyang nagmamaneho ng kulay gray na Toyota Corolla na may plakang PNT 692.


Nagpakilala raw na taga-gobyerno ang lasing na driver ng Corolla at igiit na aksidente lang ang nangyari.

Kwento ni Edward Reyes, pamangkin ni Pascual, kagagaling lang sa airport ng kanyang tiyuhin dahil may hinatid ito nang mangyari ang aksidente.

Binabagtas nina Pascual ang MIA Rd lulan ng Ford Everest na may plakang TEN 80 nang salpukin sila sa likuran ng humahagibis na Toyota Corolla dahilan upang bumaliktad ito.

Agad na isinugod ng mga rescue team sa Pasay City Gen Hospital ang mga biktima na pawang nagtamo ng minor injuries.

Desidido naman daw ang mga biktima na kasuhan ang driver ng Corolla dahil sa kanilang sinapit.

Facebook Comments