TATLONG INDIBIDWAL NA KABILANG SA MOST WANTED PERSONS SA REGION 1, NASAKOTE SA MAGKAKAHIWALAY NA OPERASYON

Nasakote ng Police Regional Office 1 ang tatlong indibidwal na itinuturing na Most Wanted Persons sa Ilocos Region.

Unang naaresto sa San Fernando City, La Union ang isang 28 anyos na babaeng nakalista bilang Top 6 Most Wanted Person sa rehiyon at nahaharap sa kasong Frustrated Murder.

Kaagad siyang isinailalim sa kustodiya ng mga awtoridad para sa pagsisilbi ng kanyang sentensiya.

Samantala, nasakote naman sa bayan ng Rosales, Pangasinan ang isang 49 anyos na lalaki na nakalista bilang Top 8 Regional Most Wanted Person at nahaharap sa kasong Qualified Rape of a Minor sa ilalim ng Article 266-A (1) kaugnay ng Article 266-B ng Revised Penal Code.

Walang inirekomendang piyansa para sa nasabing kaso at kasalukuyan nang nasa kustodiya ng pulisya ang naaresto habang hinihintay ang kaukulang proseso ng batas.

Sa hiwalay namang operasyon sa Dingras, Ilocos Norte, naaresto ang 26 anyos na lalaki na itinuturing naman na Top 3 Most Wanted Person sa nasabing bayan.

Dinakip ito ng tracker team mula sa 2nd Ilocos Norte Police Mobile Force Company kasama ang Dingras Municipal Police Station at 101st Maneuver Company ng RMFB.

Nahaharap ito sa kasong Attempted Murder batay sa warrant of arrest na inihain laban dito at may inirekomendang piyansang ₱120,000.

Ang mga pagkakaaresto ay bahagi ng pinaigting na manhunt operations ng pulisya na layong mahuli ang mga nagkasala sa batas. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments