Tatlong korporasyon, kinasuhan ng tax evasion ng DOJ

Pinangunahan ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang pagsasampa ng kaso sa Court of Tax Appeals laban sa tatlong industriyal na korporasyon dahil sa pandaraya sa buwis.

Batay sa reklamong inihain ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa Department of Justice (DOJ) sa ilalim ng Run After Fake Transactions, 20 kasong kriminal ang isinampa laban sa mga korporasyon at opisyal nito dahil sa paggamit ng pekeng resibo mula sa mga ghost company upang umiwas sa buwis.

Noong Enero 24, isinampa ang 14 na kaso laban sa Total Metal Corporation, 4 sa Equator Energy Corporation, at 2 sa Limhuaco Metal Industrial Incorporated.

Ang mga kasong ito ay may kaugnayan sa paglabag sa ilang mga probisyon sa National Internal Revenue Code.

Inaasahang ilalabas sa lalong madaling panahon ang mga warrant of arrest laban sa nabanggit na mga korporasyon at kanilang mga opisyal.

Facebook Comments