
Ginawaran ng National Shrine status ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang EDSA Shrine o Archdiocesan Shrine of Mary, Queen of Peace sa Ortigas Avenue.
Inanunsyo ito sa isinagawang 129th Plenary Assembly ng CBCP nitong Sabado, January 25 na dinaluhan ng mahigit 70 obispo mula sa iba’t ibang panig ng bansa.
Ang EDSA Shrine na itinayo noong 1989 ay popular na simbolo ng 1986 People Power Revolution at pinangyarihan din ng demonstrasyon noong 2001 na nauwi sa pagpapatalsik kay dating Pangulong Joseph Estrada.
Bukod sa EDSA Shrine, ginawaran din ng kaparehong status ang dalawa pang Marian shrines kabilang ang Diocesan Shrine of Our Lady of Aranzazu sa San Mateo, Rizal at Archdiocesan Shrine of Our Lady of Loreto sa Sampaloc, Manila.
Ang Aranzazu Shrine ay ipinangalan kay Our Lady of Aranzazu ng Spain at itinatag noong 1596 ng mga Augustinian friar, habang ang Loreto Shrine ay itinayo ng Franciscan friars noong 1613.
Matatagpuan din sa lugar ang daan-taong imahen ng Virgin Mary bilang Our Lady of Loreto.
Ayon sa CBCP, ang pagtatalaga sa isang simbahan bilang national shrine ay kumikilala sa kasaysayan, espirituwal at kahalagahang pangkultura nito na kalimitang konektado sa pananampalataya at mahahalagang kaganapan.
Upang makatanggap ng national shrine status, kinakailangan munang maitalaga ng archbishop ang isang simbahan bilang diocesan shrine.