Tatlong menor de edad, sugatan sa sunog sa Barangay New Era, QC

Tatlong kabataan ang sugatan sa sumiklab na sunog sa isang condo unit sa Barangay New Era, Quezon City kaninang madaling araw.

Sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), kinilala ang mga nasugatan na menor de edad na sina Steffany Contreras, dalawang taong gulang na nagkaroon ng sugat sa balikat; Stacy Contreras, 10 taong gulang na nagkaroon ng second degree burn sa kanyang palad at kaliwang kamay; at Hazel Jalanta, 15 taong gulang na nagtamo rin ng second degree burn sa kaliwang kamay.

Bandang alas-3:00 ng madaling araw kanina nang masunog ang Bldg. 5 Unit 54-B ng Green Condominium na pag-aari ng Iglesia ni Cristo.


Nagsimula ang apoy sa kid’s bedroom ng unit na inuupahan ng pamilya ni Venancio Contreras.

Umabot lamang sa 1st alarm ang sunog na agad namang naapula dakong alas-3:30 ng madaling araw.

Inaalam pa ng arson investigator ang sanhi ng sunog na naitalang abot sa humigit kumulang na ₱20,000 ang pinsala sa ari-arian.

Facebook Comments