TATLONG MOST WANTED SA PANGASINAN, ARESTADO SA PINAIGTING NA MANHUNT NG PRO1

Tatlong municipal most wanted persons sa Pangasinan ang naaresto sa magkakahiwalay na operasyon ng Police Regional Office 1 (PRO1) noong araw ng Undas bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa kriminalidad.

Unang naaresto ng mga awtoridad sa San Nicolas, Pangasinan ang Top 1 Most Wanted Person ng Natividad na nahaharap sa dalawang bilang ng estafa na may piyansang nagkakahalaga ng 36,000 piso.

Samantala, nadakip naman ng mga operatiba ng Lingayen MPS ang Top 2 Most Wanted Person ng Lingayen para sa kasong acts of lasciviousness in relation to Republic Act 7610 o Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.

Mayroon itong 200,000 pisong piyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan.

Sa isa pang operasyon, nadakip ng mga tauhan ng Aguilar MPS ang Top 3 Most Wanted Person ng Sual, Pangasinan na nahaharap naman sa kasong murder na walang itinakdang piyansa.

Patuloy ang PRO1 sa pagpapatupad ng mga operasyon upang tiyaking ligtas at mapayapa ang buong Rehiyon Ilocos, lalo na sa mga lalawigan ng Pangasinan, La Union, Ilocos Sur, at Ilocos Norte.

Facebook Comments