
Posibleng may tatlong senador mula sa mayorya ang nakikitang pwedeng lumipat sa minority bloc sa susunod na linggo.
Ito ang nakikita ni Senator Erwin Tulfo sa gitna ng ugong ng panibagong pagpapalit ng liderato sa Senado at ng patuloy na panghihimok ng minorya na lumipat sa kanilang hanay ang ilang mambabatas.
Sinabi ni Tulfo na ang posibilidad na ito ay nakikita nila batay sa body language ng ilang miyembro ng majority bloc at sa kapansin-pansing hindi pagdalo sa plenaryo nang magtalo-talo ukol sa video conferencing sa sesyon noong Martes ng gabi, na nauwi sa walkout ng mga miyembro ng minorya.
Hindi naman tinukoy ng senador kung sino-sino ang tatlong miyembro ng majority na posibleng makausap para lumipat sa minorya.
Gayunman, binanggit niya na dalawa sa mga senador mula sa majority ang may maraming kaibigan sa oposisyon, sina Senator Loren Legarda at Senator Francis “Chiz” Escudero.
Kapag nangyari ito, ang minorya ang maaaring maging majority bloc.
Tiniyak naman ni Tulfo na “100 percent” na matatag ang kanilang hanay at walang kakalas sa Solid Bloc 11 o SB11.










