
Cauayan City – Tatlong indibidwal ang inaresto sa isang matagumpay na anti-illegal drug buy-bust operation noong Mayo 19, 2025 bandang alas-8:32 ng gabi sa Brgy. Cabaruan, Cauayan City.
Ang mga suspek ay kinilalang sina alyas “Mich”, 33 taong gulang; alyas “Em”, 41 taong gulang; at alyas “Sell”, 48 taong gulang. Sila ay pawang residente ng Cauayan City at Ilagan City, Isabela.
Ayon sa ulat ng Cauayan Component City Police Station, nakumpiska sa operasyon ang hinihinalang shabu, ginamit na aluminum foil, glass tube, at mga lighter.
Nahuli si alyas “Mich” habang inaabot ang shabu sa isang poseur buyer, samantalang sina “Em” at “Sell” ay naaktuhang gumagamit ng ilegal na droga sa mismong lugar.
Ang mga suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5, 11, at 12 ng Article II ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng PNP ang tatlo para sa dokumentasyon at pagsasampa ng kaso.