Taunang parangal para sa mga Pinoy innovators, iniutos ni PBBM

Naglabas ng kautusan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., para sa pagtatatag ng Presidential Filipinnovation Awards na isang taunang parangal na kikilala sa mga natatanging Filipino innovators at enterprises na may malaking ambag sa pag-unlad ng innovation sa bansa.

Sa ilalim ng Executive Order 90, bibigyang-parangal ang mga Filipino-owned at registered individuals o enterprises na may mga produktong nasa early stage ng commercialization.

Ang pangulo mismo o ang executive secretary ang maggagawad ng mga parangal, kung saan ang mga mananalo ay tatanggap ng medalya, plaque na may opisyal na seal at pirma ng pangulo, kasama ang grant, mentorship, coaching, at oportunidad na makalahok sa mga international events.

Layunin ng EO na maging platform din ito para sa mga innovator upang makipag-ugnayan sa mga investor, makahanap ng suporta, at mas mapaigting pa ang mga proyekto sa larangan ng teknolohiya at negosyo.

Facebook Comments