
Sumalang sa cross-examination ng defense panel ang testigong si National Bureau of Investigation (NBI) agent John Mark Calilung sa ikatlong araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Si Calilung kasi ang nagsagawa ng forensic examination sa November 23, 2024 online press conference ni VP Sara kung saan dito niya sinabi na ipapapatay sina Pangulong Bongbong Marcos, FL Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.
Tinanong ni defense lawyer Atty. Carlo Joaquin Narvasa si Calilung kung may kasong kriminal ba na isinampa ang offended parties na sina Pangulong Bongbong Marcos, FL Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez pero ayon kay Calilung wala siyang nalalaman na kasong isinampa ng mga ito laban sa bise.
Bukod dito, wala ring affidavit mula kay PBBM, FL Marcos at Romualdez na naka-attached sa revised affidavit of investigation ni Calilung.
Maging ang dalawang journalist na isinama ng NBI sa reklamo ay wala ring affidavit at tanging minutes lang ng interview sa nangyaring online press conference na sinaksihan ng mga journalists ang naroroon.
Pinakita rin ng depensa ang sertipikasyon mula sa Department of Justice (DOJ) na ang complaint referral mula sa NBI ay hindi masasabing krimen at hindi rin offended party ang NBI na nagsampa ng reklamo.
Naunang inamin ni Calilung na mayroon silang dalawang affidavit of investigations na isinumite noong January at February 2024.
Unang kinwestyon ni Atty. Carlo Joaquin Narvasa ng defense panel ang kakayahan ni Calilung sa pagiging sapat ng training na pinagdaanan nito sa Maxcor Interventures Co dahil ito ay office o computer supplier.
Samantala, tinanong naman ni Senator-judge Raffy Tulfo kung paanong natukoy ni Calilung na hindi AI-generated ang video ng online presscon noong November 23, 2024 at ayon sa NBI agent mayroon siyang sapat na kakayahan para malaman ito dahil ang mga AI-generated videos ay tumatagal lang ng segundo at hindi ilang oras.










