Tinapyas na ₱42-B sa 2021 budget ng Dept. of Agriculture, ipinababalik

85

Ikinokonsidera ngayon ng House Committee on Appropriations ang pag-restore o pagbabalik sa inalis na ₱42 billion na pondo sa Department of Agriculture (DA) para sa 2021.

Sa budget presentation ng DA sa Kamara, sinabi ni DA Secretary William Dar na umangat ng 8% o ₱6.4 billion ang proposed budget ng ahensya sa 2021 na ₱86.3 billion kumpara sa ₱79.9 billion na pondo sa ilalim ng 2020 General Appropriations Act.


Pero umapela si Ang Magsasaka Partylist Rep. Argel Cabatbat na ibalik ang ₱42 billion na tinapyas ng Department of Budget and Management (DBM) sa orihinal na 2021 budget proposal ng DA.

Iginiit ng kongresista na kung dadagdagan ang pondo ng DA ay hindi na muling mangangamba ang bansa sa suplay ng pagkain.

Kabilang sa mga plano ng DA sa susunod na taon ay matiyak at maitaas ang food security at resiliency ng bansa at matulungan din ang mga magsasaka at mga mangingisdang apektado ng COVID-19 pandemic.

Ngayong may pandemic ay umabot naman sa ₱17.5 billion ang COVID-19 response ng DA kung saan kasama dito ang 535,076 na mga magsasaka ang nabigyan ng cash aid at 42,299 na mga farmers at fisherfolks naman ang napautang sa ilalim ng SURE Aid and Recovery Project.




Facebook Comments