TOL, kinondena agresyon ng dambuhalang CCG ship laban sa BRP Cabra

Mariing kinondena ni Senate Majority Leader Francis ‘Tol’ Tolentino ang agresyong isinagawa ng isang dambuhalang barko ng China Coast Guard laban sa BRP Cabra ng Philippine Coast Guard (PCG) malapit sa Panatag (Scarborough) Shoal noong Linggo.

“Ang ginawa nilang panggigipit ay ‘di lang naglagay sa panganib sa buhay ng ating magigiting na coast guard personnel, ngunit isa ring tahasang paglabag sa international law at mga karapatan ng Pilipinas bilang malayang bansa,” ani Tolentino.

Diin ni TOL, nakapaloob ang Panatag Shoal sa exclusive economic zone ng bansa sa ilalim ng UNCLOS, na pinagtibay ng 2016 Hague arbitral ruling at ng Philippine Maritime Zones Act (RA 12064), na iniakda ng senador.


“Habang patuloy ang pagbabalewala ng China sa kapayapaan at kaayusan sa ating karagatan, nananawagan ako sa ating mga kaalyadong bansa para panagutin ang Beijing sa kanyang tahasang paglabag sa rule of law,” punto ni Tolentino.

“Gayundin, lubhang nakakabahala, at dapat ding tugunan ang presensya ng isang Chinese research ship malapit sa Batanes at baybayin ng Taiwan. Ipinakikita nito ang lumalalim na agresyon ng Beijing, na isang seryosong banta sa seguridad ng ating rehiyon,” dagdag nya.

Bilang panghuli, naghayag ng suporta si Tolentino sa anumang hakbang para isama ang Batanes sa nalalapit na Balikan exercises kasama ang Estado Unidos. “Hindi tayo pasisiil, bagkus, dapat tayong manindigan kasama ang ating mga kaalyado, para protektahan ang ating soberanya at itaguyod ang international law.”

Facebook Comments