
Patuloy ang palitan ng mga pahayag nina Philippine Coast Guard (PCG) Spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Jay Tarriela at Embahada ng China kaugnay sa usapin sa West Philippine Sea (WPS).
Muling sinagot ni Tarriela ang Chinese Embassy matapos nilang sabihin na tila isinisisi na lahat ng opisyal ng Coast Guard sa China ang mga nagmamahal na bilihin.
Ayon kay Tarriela, isda at langis lamang ang sinabi niya na nagmahal dahil kulang ang supply at dahil sa ginagawa ng China.
Partikular na tinukoy dito ang pambu-bully ng mga barko ng China sa ating mga mangingisda at ang pagharang sa exploration ng langis sa Recto Bank na nasa loob ng ating exclusive economic zone (EEZ).
Samanatala, idinagdag naman ni Tarriela na sinisisi rin niya ang China sa mga Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) at scam hubs kung saan karamihan ng nahuhuli ay Chinese nationals.
Binanggit niya rin ang kamakailang pagsalakay sa steel plant na iniuugnay sa China kung saan nadiskubre ang mga substandard na bakal na may radioactive material na mapanganib pa sa kalusugan ng bawat Pilipino.










