Tsino, patay matapos masagasaan ng SUV na sinalpok ng van

4549
CCTV footage from Fontana Leisure Park. BABALA: SENSITIBONG LARAWAN

Nasawi ang isang Tsino matapos masagasaan habang naglalakad sa loob ng Fontana Leisure Park sa Mabalacat, Pampanga nitong Miyerkules ng tanghali.

Sa CCTV footage, makikitang tumilapon at tumama sa bakal na signage ang dayuhan nang masalpok ng itim na SUV.

(BABALA: SENSITIBONG VIDEO)


Nag-ugat ang insidente nang banggain ng puting van ang kotseng itim na nauwi sa pagkakabundol ng banyagang naglalakad lamang.

Kinilala ng awtoridad ang biktima na si Lin Zhigiang, guest sa isang kalapit na hotel.

Naisugod pa sa ospital si Lin pero binawian din ng buhay kinalaunan.



Batay sa imbestigasyon ng Mabalacat Police, mabilis ang takbo ng dalawang sasakyan dahilan para magsalpukan ito.

“Dahil mabilis po sila, hindi po sila nag-bigayan po, so ang naging cause is nagkatamaan po sila. Unfortunately yung black Fortuner is, nag turn left pa po dun niya po niya nasalpok yung naglalakad na pedestrian,” pahayag ni Police Captain Brillante Manlutac.


Kaagad nadakip ang mga drayber na sina Jomarie Pineda at Jiantan Lin – na isa din Chinese national.

Depensa ni Pineda, hindi mabilis ang pagpapatakbo niya. Hindi naman nagbigay ng pahayag ang naarestong Instik.

Sinisiyasat na din ng pulisya kung bakit at anong ginagawa ni Lin sa bansa.

Nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide and damage to property ang dalawang nahuling tsuper.

Facebook Comments