Ilang araw nang nararanasan sa iba’t-ibang pampublikong pamilihan sa lalawigan ng Pangasinan ang mataas na presyuhan ng produktong karne.
Sa pag-iikot ng IFM News Dagupan Team sa iba’t-ibang bahagi sa probinsya, naglalaro sa P360 hanggang P400 na ang kada kilo ng baboy habang ang manok naman, nasa P220 na rin ang per kilo mula sa P190 hanggang P200 na dating presyuhan nito. Dahil dito, nararanasan din ngayon ng mga nagtitinda ng karne ang tumal ng bentahan sa merkado.
Anila, kadalasan sa mga konsyumer ay hindi na karne ang binibili dahil sa mataas na presyo nito. Dagdag pa nila, nabawasan na rin sa ngayon ang kanilang ibinebentang kilo-kilo kada araw kung ikukumpara noong mababa ang presyuhan ng nasabing produkto. Umaasa ang mga ito na sana umano ay bumaba na muli ang bentahan upang makabawi ang mga ito.
Samantala, matatandaan na nauna nang inihayag ng Kagawaran ng Agrikultura o Department of Agriculture na wala naman umanong nakikitang kakulangan sa suplay ng parehong manok at baboy sa merkado kaya inaasahan ang magiging pagtugon ng gobyerno upang matukoy kung ang tunay na dahilan sa nananatiling pagsipa sa presyuhan ng produkto. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨