TUMATAAS NA KASO NG SUICIDE SA DAGUPAN CITY, IKINAKAALARMA NGPAMAHALAANG LUNGSOD

Nananawagan ng agarang tulong at pakikiisa ang Pamahalaang Lungsod ng Dagupan matapos maiulat ang pagtaas ng kaso ng suicide sa lungsod.

Sa ginanap na flag raising ceremony nitong Lunes, Marso 2, inihayag ng alkalde na nakapagtala kamakailan ng tig-iisang kaso ng suicide sa mga barangay ng Lasip Grande, Bonuan Boquig, Malued, at Bonuan Gueset base sa konsultasyon sa Teen Center.

Dahil dito, nanawagan ang alkalde sa mga magulang, paaralan, barangay at iba pang sektor ng komunidad na isulong ang safe spaces para sa kabataan at mga estudyante, lalo na sa loob ng mga paaralan.

Noong Pebrero 26, inanunsyo rin ng isang konsehal ang panukalang ordinansa na magtatakda ng regulasyon sa paggamit ng social media ng mga menor de edad na itinuturing na isa sa mga posibleng nakaaapekto sa kalusugan ng mga kabataan.

Kaugnay nito, ayon sa tala ng Philippine National Police, halos 2,000 ang naitalang nasawi sa buong bansa dahil sa suicide sa unang bahagi ng 2025 kung saan karamihan ay mga kabataang nasa edad 15 hanggang 29. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments