UGNAYAN NG MEDIA AT KAPULISAN SA PAGPAPALAGANAP NG IMPORMASYON, TINALAKAY SA MEET AND GREET NG DCPO

Tinalakay ang pagpapalakas ng ugnayan sa pagitan ng media at kapulisan sa isinagawang meet and greet ng Dagupan City Police Office o DCPO kasama ang iba’t ibang media outlet noong Oktubre 14, 2026.

Ayon kay PMAJ Cherry Tolentino, Regional Public Information Officer ng Police Regional Office 1, nagsilbing pagkakataon ang aktibidad upang talakayin ng dalawang panig ang mga proseso sa pakikipag-ugnayan, partikular sa pagpapalaganap ng impormasyon sa Dagupan City at sa buong rehiyon.

Kabilang sa mga paksang tinalakay ang media accreditation, mga kwalipikasyon sa pagiging miyembro ng DCPO Press Corps, at ang mga alituntuning dapat sundin ng mga kasapi nito.

Dagdag ni Tolentino, mahalaga ang pagsusumite ng mga profile ng media personnel para sa opisyal na rekord at bilang bahagi ng mga hakbang para sa proteksiyon ng mga mamamahayag.

Samantala, naibahagi rin ng ilang media outlet ang kanilang mga pananaw hinggil sa mga pansamantalang opisyal ng DCPO Press Corps na itinalaga ng City Police Director.

Tiniyak naman ng DCPO na magsasagawa ng halalan sa Enero upang mapili ang mga opisyal ng Press Corps. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments