
Hinikayat ng Department of Justice (DOJ) ang mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) na makipag-ugnayan sa kanila hinggil sa sinasabing reklamo kay Immigration Commissioner Joel Anthony Viado.
Pahayag ito ng DOJ sa gitna ng isyu na nagpadala umano ng “white paper” ang ilang tauhan ng BI sa Office of the President para ireklamo si Viado sa isyu ng korapsyon at misconduct sa paghawak ng mga kasong may kaugnayan sa Philippine Offshore Gaming Operators o POGO at deportation ng mga dayuhang iligal na nagtatrabaho sa bansa.
Ayon kay DOJ Spokesperson Assistant Secretary Mico Clavano, mahirap aksyunan kung walang matibay na batayan ang reklamo.
Kaugnay nito, hinimok ni Clavano ang mga tauhan ng Immigration na makipag-ugnayan mismo kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla para sa kanilang reklamo.
Aminado naman si Clavano na posibleng may politikang nagaganap sa loob ng ahensiya.
Sa isang pahayag kanina, itinanggi ni Viado ang mga paratang pero handa raw silang makipagtulungan sakaling magsasagawa ng imbestigasyon.
Tukoy na rin aniya ng Immigration ang mga nasa likod ng sinasabing paninira posibleng ilang mga kawani na naapektuhan ng “one-strike policy” ng Immigration.