
Hiniling sa Senado ng ilang grupo ang pagkakaroon ng unified national emergency response number para sa isinusulong na Philippine Amber Alert Act.
Tinalakay sa pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality na pinamumunuan ni Senator Risa Hontiveros ang pagkakaroon ng Amber Alert sa bansa matapos na rin ang kidnapping case na nangyari sa isang 14 anyos na estudyante kamakailan.
Ang Amber Alert ang magsisilbing notification system para sa mga batang nawawala at mga dinukot.
Sa pagdinig ay inirekomenda ng League of Provinces of the Philippines ang pagkakaroon ng iisang emergency number na siyang tatawagan ng mga tao kapag may impormasyon tungkol sa mga nawawala o kinidnap na bata.
Ipinunto ni Director for Policy Development Angelica Sanchez na sa kasalukuyan ay may kanya-kanyang emergency numbers ang bawat LGUs at mahalaga ang pagkakaroon ng iisang Amber Alert hotline dahil kadalasan ay mobile o palipat-lipat ng lugar o hindi kaya ay bumabyahe ang suspek at kinidnap.
Magiging madali rin aniya ang koordinasyon sa PNP at sa iba pang awtoridad kung magkakaroon ng iisang emergency response number sa buong bansa.