Isinusulong ng University of Luzon ang pagpapalakas ng pananampalataya at espirituwal na pagpapahalaga ng mga kabataan sa pamamagitan ng Rosary Rally 2026 na ginanap ngayong Biyernes, Oktubre 9.
Sa temang “Faces of Mary, Faces of Faith,” tampok sa aktibidad ang pagdarasal ng Santo Rosaryo, prusisyon, at pagtatanghal ng labindalawang Marian portrayals na nilahukan ng iba’t ibang departamento ng unibersidad.
Layunin ng aktibidad na bigyang-halaga ang mga tradisyong panrelihiyon at ang papel ng pananampalataya sa paghubog ng disiplina, mabuting asal, at moral na pagpapahalaga ng mga mag-aaral.
Samantala, sa gitna ng makabagong teknolohiya at lumalawak na impluwensiya ng social media, mahalagang malaman kung nananatiling makabuluhan sa mga kabataan ang mga ganitong gawaing panrelihiyon.
Para sa mga mag-aaral, pagkakataon din ang Rosary Rally upang maipahayag ang kanilang pananampalataya at maunawaan ang kahalagahan ng espirituwal na pagpapahalaga sa kanilang pang-araw-araw na buhay.
Bukod sa pagdiriwang ng pananampalataya, bahagi rin ng aktibidad ang paggunita sa kaarawan ng yumaong tagapagtatag ng University of Luzon na si Dr. Luis F. Samson Sr., bilang pagkilala sa kaniyang buhay at paglilingkod.
Kabilang din sa programa ang Marian interpretative dance, awarding ceremony, at Banal na Misa sa pangunguna ni Rev. Fr. Willie Escalante, SVD.
Sa kabila ng patuloy na pagbabago sa sistema ng edukasyon, binibigyang-pansin ng naturang aktibidad ang kahalagahan ng paghubog sa mga mag-aaral hindi lamang sa akademikong aspeto kundi maging sa kanilang moral at espirituwal na pagkatao, kasabay ng paggalang sa iba’t ibang paniniwala. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










