VAN NA MAY KARGANG ILIGAL NA TROSO AT WILDLIFE MEAT, NASABAT SA CAGAYAN

Cauayan City – Nabisto ang isang van na may kargang iligal na troso at karne ng hayop sa isang anti-illegal logging operation sa Baggao, Cagayan.

Nadiskubre ang mga pira-pirasong troso ng Kamagong, Yakal, at Banyakaw sa liblib na bahagi ng kagubatan at habang iniinspeksyon ito, isang puting Van ang dumating sa lugar.

Nang lapitan ng pulisya, biglang tumakbo ang driver ng Van na si alyas “Balong” patungo sa kagubatan at nakatakas.

Nang siyasatin ang van, tumambad ang mga troso ng G. Melina na walang kaukulang dokumento at mga sako ng iligal na wildlife meat, kabilang ang karne ng wild cat at unggoy.

Tinatayang nasa 641 board feet ang kabuuang sukat ng mga nakumpiskang troso na may halagang Php53,960.00.

Patuloy ang hot pursuit operation ng mga awtoridad laban sa tumakas na suspek na posibleng maharap sa kasong paglabag sa Presidential Decree No. 705 (Revised Forestry Code of the Philippines) at Republic Act No. 9147 (Wildlife Resources Conservation and Protection Act).

Facebook Comments