VAN NA NAGLALAMAN NG GULAY, SUMALPOK SA POSTE; 3 SUGATAN

Cauayan City – Sugatan ang tatlong indibidwal matapos na bumangga ang sinasakyan nilang van sa isang poste sa Brgy. Baybayog, Alcala, Cagayan, kahapon ika-10 ng Pebrero.

Ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Officer ng Alcala na si Jerome Ibarra, ang mga biktima ay galing sa Santiago City at patungo sana sa Badoc, Ilocos Norte kung saan sila nakatira nang maganap ang aksidente.

Dahil sa lakas ng pagkakabangga, wasak ang harapang bahagi ng van, at nagtamo ng sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kanilang katawan ang 3 kalalakihan na lulan nito kung saan naipit pa ang isa sa kanila na nakaupo sa harapan ng sasakyan.


Kaagad namang dinala ng mga rumespondeng rescuers ang mga biktima sa pinakamalapit na pagamutan upang lapatan ng agarang lunas ngunit kaagad ring inilipat sa ospital sa lungsod ng Tuguegarao.

Ayon sa ulat, maaaring nakaidlip ang driver dahilan upang sumalpo ito sa poste dahil wala naman itong kasalubong na ibang sasakyan na maaari nitong iwasan.

Facebook Comments