"VERY HIGHLY SUSCEPTIBLE" | DENR, naglabas ng bagong geohazard map sa Itogon, Benguet

Itogon, Benguet – Naglabas ng bagong geohazard map ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Itogon, Benguet.

Ginawa ito matapos ang mga pagguho ng lupa nitong Setyembre na kumitil sa higit 60 tao.

Ayon kay Joselin Marcus Fragada, DENR Assistant Secretary for field Operations of Luzon, kung dati pula ang kulay ng mga pinakadelikadong lugar sa Itogon ngayon ay may mga kulay brown na.


Ibig sabihin, “very highly susceptible” na sa landslide ang mga lugar na ito.

Aniya, kaunting ulan lang ay maaari nang magdulot ng landslide bunsod na rin sa mga nadiskubreng butas sa ilalim ng lupa.

Pag-aaralan naman ng DENR kung paano ire-regulate ang bilihan ng mga materyales na ginagamit sa small-scale mining, tulad ng dinamita at cyanide.

Pinutol na rin ng Benguet Electric Cooperative o BENECO ang mga ilegal na linya ng kuryente sa lugar na ginagamit ng mga minero para sa ball mill na siyang gumigiling sa nakukuhang mineral ore.

Facebook Comments