
Dumalo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa victory party ng Alyansa para sa Bagong Pilipinas matapos ang proklamasyon ng 12 Senador nitong weekend.
Matatandaang anim sa Alyansa ang nakapapasok sa Magic 12, taliwas sa target ng koalisyon 11-0 seat sa Senado.
Sa thanksgiving dinner, sinabi ng Pangulo na bagama’t umaasa siya sa magandang resulta, panahon na para isantabi ang mga isyung pampulitika at dapat nang mas pagtuunan ng pansin ang mga usaping pangkaunlaran ng bansa.
Partikular ang isyu sa kalusugan, edukasyon, agrikultura, at suplay ng pagkain.
Kasabay nito kinilala ng Pangulo ang dedikasyon ng bawat pambato sa ginawang kampanya, gayundin ang mga staff na puspusang nagtrabaho sa mga campaign sorties.
Samatala, tampok sa mga inumin sa party ang mga pangalan ng mga kandidato ng Alyansa tulad ng Benhur-ricane, Cosmopolitan, Bong Island Iced Tea, Pia Pia Pia Colada, The Ping Martini, Blue Supremo, Manny’s Knockout Punch, Mojito Sotto, Gin & TOLic, ETspresso Martini, at Classic Magaritaville.
Gayunpaman, tanging si Senator Lito Lapid lamang ang present sa thanksgiving party mula sa 12 kandidato.