VIRGIN’S WELL O “BUBON” SA MANAOAG, INAASAHANG DADAYUHIN HABANG PAPALAPIT ANG CENTENNIAL CORONATION

Bukod sa pamosong simbahan ng Our Lady of the Rosary of Manaoag, isa pang inaasahang dadagsain ng mga deboto sa selebrasyon ng Centennial Canonical Coronation ang Virgin’s Well o bubon, na ilang kilometro ang layo mula sa Basilica, dahil sa paniniwalang may bakas ng milagro ng imahen.

Ayon kay Juanito Dela Peña, 34 taon nang caretaker ng bubon, mula pa sa malalayong lugar ang dumarayo sa lugar upang makapag-uwi ng tubig at makapangligo ng tubig na mula mismo sa balon.

Panahon umano ng hapon nang madiskubre ang milagrosong balon o bubon, na noo’y inuman lamang ng tubig ng mga hayop. Dito raw unang nagpakita si Apo Baket.

Ang milagrosong tubig mula rito ay dinarayo ng mga mananampalataya mula sa iba’t ibang panig ng bansa, dahil pinaniniwalaang nakapagpapagaling ito ng anumang karamdaman at nakatutupad ng mga kahilingan.

Ilang hakbang lamang mula sa balon, matatagpuan din ang groto kung saan nag aparisyon sa litratong kuha ng isang bata ang Imahen noong 1997.

Naabutan naman ng IFM News Team ang mag-anak na ito na bumisita sa bubon bago umano bumalik abroad. Tumangging humarap sa camera ang deboto, ngunit ibinahagi nito ang milagrong ginawa ng birhen noon panahon ng digmaan.

Kaugnay nito, bukas ang Virgin’s Well araw-araw mula alas sais ng umaga hanggang alas kwatro ng hapon para sa mga debotong patuloy na nananampalataya. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments