Tuesday, October 13, 2026

Visayas Grid, itataas sa Red at Yellow Alert ngayong hapon hanggang gabi

Idineklara na ng National Grid Corporation of the Philippines o NGCP ang Red Alert sa Visayas Grid ngayong Setyembre 24.

Epektibo ang Red Alert mula alas-4:00 ng hapon hanggang alas-9:00 ng gabi, habang ipatutupad naman ang Yellow Alert mula alas-2:00 hanggang alas-4:00 ng hapon at alas-9:00 hanggang alas-10:00 ng gabi.

Kabilang sa mga dahilan ng pagdedeklara ng Red at Yellow Alert ang hindi gumaganang malalaking coal-fired power plant na TVI 1, PEDC 3, at KSPC 2, gayundin ang pansamantalang pagkawala ng suplay ng kuryenteng inaangkat mula Luzon dahil sa emergency shutdown ng Tabango-Kananga 230-kilovolt Line 2 para sa agarang pagkukumpuni ng depektibong kagamitan.

Sinabi ng NGCP na 17 planta ang kasalukuyang naka-forced outage ngayong Setyembre at 17 iba pa ang tumatakbo sa derated o limitadong capacity.

Ang Red Alert ay itinataas kapag hindi sapat ang suplay ng kuryente upang matugunan ang pangangailangan ng mga konsyumer at ng transmission grid, habang ang Yellow Alert ay nangangahulugang manipis ang reserbang suplay ng kuryente.

Facebook Comments