
Nasampahan na ng kaso ang vlogger na nagpakalat ng pekeng balita patungkol sa umano’y raid sa bahay ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Davao City noong April 30, 2025.
Ayon kay Philippine National Police Public Information Officer (PNP-PIO) Chief PCol. Randulf Tuaño, dakong alas-12:20 ng tanghali kanina ay pormal nang inihain ng Police Regional Office 11 at Anti-Cybercrime Group (ACG) ang kaso laban sa nasabing vlogger.
Nahaharap ito sa kasong may kaugnayan sa Article 154 ng Revised Penal Code o Unlawful Use of Means of Publication and Unlawful Utterances kaugnay ng Section 6 ng RA 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012.
Base sa video ng hindi na pinangalanang vlogger, 30 tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at 90 Special Action Force (SAF) personnel mula Luzon ang lumusob sa tahanan ng mga Duterte na naging dahilan nang pagtitipon-tipon ng Duterte supporters.
Aniya, malinaw na bahagi ng disinformation campaign ang video ng naturang vlogger.
Samantala, sinabi pa ni Tuaño na ito ang kauna-unahang kasong isinampa sa ilalim ng bagong tatag na Joint Anti-Fake News Action Committee (JAFNAC) ng PNP.